[s]eleksyon
Binubuno ng mahahalagang sandali ang araw na ito sa kasaysayan na naman ng bansa. Masasabi kong kumplikado at krusyal sapagkat pinag-uusapan rito kung saan ipapanig ang kapangyarihan – ang kakayahang makapangyari ng pagbabago at kaunlaran para sa ating lahat.
Hindi maikakaila na naging masalimuot para sa ating lahat ang mga nakaraang araw dahil na rin sa tawag ng eleksyon. Punong abala rito ang mga kakandidato at ang kanilang mga alagad sa pagpapahayag ng kanilang mga plataporma at panliligaw sa tiwala ng botanteng Pinoy. Gayunpaman, heto’t binabagabag pa rin tayo ng mga samu’t saring kontrobersya, mga kalunos-lunos na krimen, at labis na pag-iisip kung sino nga ba ang ihahalal ngayong eleksyon.
Sa ikalawang pagkakataon, ay ipinagkakaloob sa akin ng konstitusyon ng bansa ang karapatang makapaghalal. Kung tutuusin ay hindi naman mabigat na responsibilidad ang agpunta sa paaralan at magsulat ng pangalan ng kung sino lang. Ito rin ang nasa isip ko noong una akong bumoto. Pero kung babalikan natin ang mga nagdaang pangyayari sa bansa, napagtanto kong maaaring may kasalanan din ako sa mga hindi magandang pangyayaring iyon. Sa pagkakataon ko ngayon, hindi ko alam kung sapat na ba ang pagsusuring aking ginawa para sa mga pangalang isusulat at hindi ko isusulat mamaya sa presinto ng botohan.
Gayunpaman, magaan ang kalooban kong sabihin na hindi ko sinasayang ang pagkakataong ito. Malinis ang aking konsensya na ang aking mga isusulat at hindi isusulat na pangalan ay hindi dumudungis sa aking pagkatao. Hindi ko na rin siguro panghihinayangan at ilang blankong espasyo sa aking balota dahil ito naman ang realidad e – kakaunti lamang ang tunay na tapat na gumaganap ng tungkulin.
Sa katunayan, ang konsepto ng katapatan ay masasabi kong relatibo pa sa konsepto ng pulitika. Hindi nakakapagtaka na may mga pagkakataong makakagawa rin naman sila ng pagkakamali ngunit makakagawa rin ng tama. Pero ang mahalaga marahil ay matingkad ang pagmamalasakit nila sa bayan kahit na may mga banta na ganitong mga pangyayari.
Maganda rin sanang tukuyin na hindi lamang ang mga kandidato ang pinupukol ng katanungan ng katapatan. Ang pinakamalaking kapangyarihan sa konteksto ng isang eleksyon ay nasa kanyang botante. Minsan ay nakapag-123 ako sa dyip dahil sa mainit na komosyon sa pagitan ng aking kaibigan na nagbabalak ibenta ang kanyang boto. Kung tutuusin, mahirap talagang timbangin ang ganitong mga kalagayan, lalo na at naglalaro ang konspeto ng kahirapan sa ganitong mga usapin. Subalit hindi naman matutugunan ang problemang ito sa simpleng pagbebenta ng balota. Lalo pa ngang kahindik-hindik ang balik nito sapagkat ginugulangan lamang nila ang mamamayan kapag ibinigay na natin sa kanila ang pwesto.
Sa bahay namin ngayon ay 7 dapat ang boboto. Pero tatlo lang kaming sumadya – ang aking mga magulang at ako. Ang aking 3 pinsan ay hindi na nagsayang ng panahon na umuwi pabalik ng aming mga probinsya para bumoto. Hindi na rin nila inintindi na dito na lamang magparehistro, sa hindi ko malamang dahilan. Ang aking kapatid na sana ay unang beses na boboto ngayon ay tinatamad magparehistro at mukhang may sariling sistema na pinaniniwalaan pagdating sa eleksyon.
Ngayong eleksyon ay nasa atin ang seleksyon. Meron tayong kapangyarihan na pumili at hindi pumili. Para sa mga kandidato, merong pagkakataon na kayo ang pipiliin at hindi pipiliin.
Ang kakakayang makapangyari ay nasa ating boto.